Nag-uwi ng karangalan ang Christ the King College matapos nitong makasungkit ng maraming gintong medalya sa kakatapos lamang na PRISAA Patimpalak sa Buwan ng Wika, na ginanap noong Agosto 20, 2025, sa Christ the Redeemer: Life Formation Mission School.
Pagsapit ng hapon, nagtipon ang mga kalahok na paaralan upang ipamalas ang kanilang husay at pagkamalikhain sa iba’t ibang kategorya. Ipinakita ng mga mag-aaral ang kanilang buong puso at damdamin sa mga pagtatanghal na sinuri ng mga huradong may matalas na paningin at pandinig sa sining ng wika at panitikan.
Sa antas ng ika-walong baitang, itinanghal na kampeon si Shayne Intana sa kategoryang Spoken Poetry matapos umani ng papuri ang kaniyang piyesang pinamagatang “Papa”— isang masining at madamdaming pag-alay sa sakripisyo ng isang ama para sa kanyang pamilya.
Hindi rin nagpahuli si Elizhamie Duron ng ika-siyam na baitang, na waging kampeon sa kategoryang Talumpati. Ang kaniyang makapangyarihang pananalita tungkol sa wika at ang kakayahan nitong baguhin ang mundo ay nagbigay inspirasyon sa mga tagapakinig.
Samantala, isang maigting at makulay na Balagtasan ang nasaksihan sa kompetisyon ng mga mag-aaral sa ika-sampung baitang. Sina Rafa Panandigan, Alyssa Ebarle, Richard Labarinto, at Axel Navarres ay itinanghal na kampeon matapos nilang maipamalas ang husay sa pangangatwiran, pagbigkas, at pagbibigay-buhay sa masining na pagtatalo.
Ang tagumpay na ito ay hindi magiging posible kung wala ang masigasig na paggabay ng kanilang mga tagapagsanay:
Grade 8 – Bb. Ramydith A. Canunayon
Grade 9 at 10 – G. Karl Angelo B. Almonia
Muli, pinatunayan ng Christ the King College na sa puso ng bawat mag-aaral nito ay nananahan ang pagmamahal sa sariling wika, ang diwang makabayan, at ang kagalingang tunay na maipagmamalaki. Ang tagumpay na ito ay hindi lamang simpleng panalo sa kompetisyon—ito ay tagumpay ng kultura, sining, at pagkakaisa.
Mabuhay ang wikang Filipino! Mabuhay ang kabataang Pilipino!
words by: Rafa Panandigan